Sa Araw ng Mga Ina
- Jose Monzon
- Dec 6, 2020
- 1 min read
Updated: Jan 8, 2021
Ang araw na ito’y sadyang itinakda
Upang ikaw Inay aking magunita
Sa aking isipa’y aking apuhapin
Nag-daang kahapong ginugol sa akin
Nang ako ay isang musmos na sanggol lamang
Ang buong buhay ko ay nakasalalay
Sa iyong aruga’t buong pagmamahal
Na iyong ginugol sa gabi at araw
Hindi mo ininda ang sakit at hirap
Ang lahat ng iyan ay iyong nilasap
Hindi mo matiis kung akoy naiyak
Alam mong nais ko ang iyong pag-lingap
Sa gabing tahik kung ika’y gisingin
Ng aking pag-tangis sa gabing madilim
Kung di nagugutom ay basa ang lampin
Ang pang lunas dito’y agad mong gagawin.
Nang ako’y lumaki’t nag-karo’n ng isip
Ay 'yong iminulat ang mata kong pikit
Ipinakita mo ng buong pag-ibig
Magandang ugali na aking tangkilik.
Ang buhay na ito na ngayon ay tangan
Kaloob ng Diyos ikaw ang subaybay
Ay aking sinapit, ikaw ang dahilan
Ikaw nag-payabong, ikaw nag-payaman.
Sa arw na ito, aking Inang Mahal
Hiling ko sa Diyos bigyan ka ng buhay
Malakas, malusog, walang karamdaman
At ‘yong tandaan, “Mahal kita Inay."
Composed by Jose Monzon on May 11, 2008 (Mothers’ Day)
I love this one, dad.