Pag-dalo
- Jose Monzon
- Dec 6, 2020
- 1 min read
Updated: Jan 8, 2021
Sa Daan:
Mga batang namamasko naririnig habang daan
“Maligayang Pasko, Mano Po Ninong, Mano Po Ninang.”
Bawa’t bahay ay may parol, at kubo man sa bukiran
Ay sariwa at mabango ang amoy ng paminggalan.
At maghapong walang puknat - nagniningas yaong kalan,
Naghahanda’t sa bisita’y buong-pusong nag-lalaan.
Iya’y Pasko at ugali sa nayon ko’t aking Bayan.
Sa Pag-dating:
Samantala‘y nang dumatng at huminto sa trangkahan;
Katulad ng paniwala’y malaki nga ang handaan.
Sa lilim ng punong kahoy - umuusok yaong kalan
At ang litsong pinipihit - maka-tulo nitong laway.
Sa kawaling nakasalang mga manok sumisingaw
Sa sagitsit ng mantika’y langhapin mo’t malinamnam.
Samantalang ang bisita’y hinding-hindi magkamayaw.
Sa Pagdiriwang:
Ano pa nga’t kina Belen, ang paksa ng kasayahan
Hindi lamang isang Pasko, kundi isang Kaarawan.
Kaarawan ng sa Belen ang Mesiyas ay isilang.
Kaarawan rin ng Pasko ng si Belen ay iluwal.
Kaarawang hari nawang sa darting na mga araw
Sumapit pa ang ganitong masaya ring pagdiriwang,
Kaarawang pinag-yabong ng maningas na handaan.
Sa Pag-papaalam:
Nasiyahan sa pag-dalo at matapos na kumain
Ang oras ay minamasdan.. At ibig man na tumigil
Makisaya sa naroong mga piling panauhin,
Ang nangyari’y nag-paalam, at baka ‘di abutin,
Ang pag-alis nitong barkong naka-daong pa sa piyer.
Ayaw kong kahit minsan ang maiwan ay sapitin.
Mahirap na ang makulong sa “brig” “AWOL” kung tawagin.
Composed by Jose Monzon on December 25, 1954
While stationed at USS AUCILLA AO 56
U. S. Navy Oiler home ported at Barcelona, Spain
Kommentare