top of page
Search

Hoy Gising!

  • Writer: Jose Monzon
    Jose Monzon
  • Dec 6, 2020
  • 2 min read

Updated: Jan 8, 2021


Ang aking pangarap sa bayan kong liyag

Ay maipakita at maipamalas

Mga pangyayaring aking isasaad

Para mata nati’y ating maimulat.



Bakit nga ba tayo’y lubos nag-hihirap ?

Buhay nitong tao’y kay laki ng agwat.

Ang mga may kaya langit naaakyat

Baho ng payatas iba’y nakasadlak.



Mangarap man tayong may buhay-mahirap,

Hindi makabangon, hindi makaalpas.

Parang mga ibong ang bagwis ay wasak,

Kahit na lumipad hindi makataas.



Ang mga may kaya lalung umuunlad

Ang maraming masa lalung nag-hihirap.

Sino ang may salang sasagot ng lahat?

Tayong mamamayan, tayong nabubulag .



Ating nakikita ay pang-ngayon lamang

At ‘di alintana ang kinabukasan.

Bakit mag-babago ating katayuan?

Tayo nag-pairal ng katiwalian.



Gumising na tayo sa katotohanan.

Kung ang ating boto’y ipag-bibili lamang

Lalung mag-hihirap tayong mamamayan

Wala tayong silbi’t walang karapatan.



“Wag sisihin ang iba, kundi tayo lamang.

Ipinag-bili natin ang kinabukasan

Sa mga taong ating inihalal

Ang hangari’y hindi pag-unlad ng bayan.



Hindi ang mag-sillbi kundi pag-silbihan

Iyan ang tanging layunin lamang.

Nalimutan nilang tayong taong-bayan

Sa mga puwesto, tayo ang naglagay.


Ngayong tyo’y dahop sa kasaganaan

Walang matrabaho at pag-kakitaan.

Mga musmos nat’y ‘di makapag-aral

Nangag-sigala ‘lang sa manga lansangan.



Sinong sisisihin kung tayo ay ganyan?

Ang masasabi ko’y ating kasalanan.

Kaunting salapi boto’y ibibigay

Mabusog lang saglit ang gutom na tiyan.



Bumangon na tayo!! Gising kababayan!!

Huwag nating iasa ating kaunlaran

Sa ibinoto nating tayo’y binayaran.

Bubusugin nila’y ang sariling kaban.



Hoy!! Gising na’t tayo’y matauhan

Ipag-laban natin ating karapatan.

Talino’y gamitin at ating isipan

Pag-pili ng taong uugit ng Bayan.



Alam ba nating ang mga bayani,

Doctor Jose Rizal at sina Mabini,

Andres Bonifacio, iba pang marami

Nangag-sisiluha sa mga nang-yari?



“Sayang ang dugong aming ibinuwis

Upang kalayaan ay ating makamit.

Ngayong malaya ka, sinong humahapis?

Ikaw aking anak na pinaka-iibig”



“Ngayong hawak natin itong KALAYAAN,

Sinong lumulustay ng yaman ng Bayan?

Sino nag-siunlad, sino nag-siyaman?

Sino naghihirap..?Tayong taong-bayan.!!”



“Kayong nag-simana nitong kalayaan

Nagkaganyan kayo sa kapabayaan.

Kinunsinti ninyo ang kabaluktutan

Ng mga taong ugit nitong bayan.”



Iyan ang hinagpis na bumubulahaw

Sa budhi ng mga taong makabayan

Tinig ng bayaning nag-buwis ng buhay

Upang kalayaan ay ating makamtan.



“Sino nga ba sila?” ‘Na siyang dahilan

Ng hindi pag-unlad nitong ating Bayan?

Di ba sila iyong ating inihalal

Ang mga kalidad Hindi Makabayan.




Marami sa taong nasa katungkulan

Hindi ang mag-silbi ang hangaring tunay.

Kundi taong bayan sila’y pag-silbihan

Baluktot ang gawa para mag-siyaman.



Kaya sa susunod na ating halalan

Huwag kang matulog… Gumising ka naman.

Suriing mabuti ang kandidatuhan.

Suriing masinsin ang manunungkulan.



Ang utang na loob at kakumparihan

Kalimantan muna at budhi’y pakinggan

Ilagay sa puwesto taong makabayan

Sarili’y mahalin, mahalin ang Bayan.



Composed by Jose S. Monzon on May 10, 2009































 
 
 

Comentarios


bottom of page