top of page
Search

Ang Wikang Tagalog

  • Writer: Jose Monzon
    Jose Monzon
  • Dec 6, 2020
  • 1 min read

Updated: Jan 8, 2021


Nang isilang ako at musmos ang isip

Ang tinig ni Inay ang unang narinig.

Sa mga katagang sinasambit-sambit

Ay inapuhap ko ang ang laman ng dibdib.



Ang mga salitang laging naririnig

Katambal ng kanyang malambing na tinig

Ay natutuhan kong ikintal sa isip

Mga kahulugang ipinababatid.



Ang binhing katagang binibigkas-bigkas

Nitong aking Inay sa musmos n’yang liyag

Ay nag-silbing punlang lumago’t umunlad

Sa pang-unawa kong ngayo’y aking hawak.



Wika ang sandata nitong aking diwa

Siyang nag-paunlad nitong pang-unawa.

Wika ay isipan ang siyang lumikha

Na nag-pahiwatig ng mga adhika.



Tayong Pilipino’y mayaman sa wika.

Tila bawa’t isla may kanyang salita.

Ngunit tayo naman ay iisang bansa

Ang Wikang Tagalog ating inaruga.



Aking kinalakhan ang Wikang Tagalog,

Naging salipawpaw na nag-paimbulog

Sa himpapawid ng isipang musmos

Na sa aking diwa ay siyang humubog.



Sa wika umunlad ang aking isipan

Na kinagisnan ko sa munting tahanan.

Sa wika ang tao’y nagkaintindihan.

Ang Bansa’y nabuo, wika ang dahilan.



Ang Wikang Tagalog kay sarap bigkasin,

Kay tamis pakinggan, pagka-lambing-lambing.

At kung ang makata ay patutulain

Pihikang dalaga puso’y gigisingin.



At kung ito nama’y sa awit gagawin

Sa tamis ng himig ng kundiman natin,

Puso ng dalagang bato ang kahambing

Matigas man ito’y pilit aagnasin.



Sa Wikang Tagalog na Wikang Pang-bansa

Doon isinulat ng ating makata:

Florante’t Laurang sinulat natula

Francisco Baltazar na s’yang lumikha

Ay naging idolo dahilan sa wika,

Na Wikang Tagalog at Wikang Pang-bansa



Composed by Jose Monzon on August 23, 2003


 
 
 

Comments


bottom of page