Ang Nais Ko Pag Ako’y Umibig
- Jose Monzon

- Dec 6, 2020
- 1 min read
Updated: Jan 8, 2021
Ako’y naghahanap ng iibigin ko
Na isang nilalang saan man sa mundo
Na pang-habang buhay na aking kasalo
Tag-ula’t tag-araw sa buhay na ito.
Iisa ang laman ng aming damdamin
Ng aming isipan, ng aming mithiin.
Lunggati sa buhay aming hahanapin
Na siya at ako’y laging mag-kapiling.
Isang tao siyang laging kaagapay
Sa gabi at araw siyang susubaybay,
At handang aliwin ang pusong may lumbay
Ng kanyang kabiyak; akong minamahal.
Makikinig siya sa tangi niyang irog
Sa laman ng dibdib na inihihimutok
Na lilimiin niya ng tunay at lubos
Upang ang layon ko’y maipag-kaloob.
Ngunit kung mali man itong aking layon
Sa mga nais ko’y hindi s’ya sangayon
Mag-papaliwanag siyang mahinahon.
Iintindihin ko itong kanyang tugon.
Pag ako’y umibig, ang tunay kong nais
Ay isang lalaking ang kanyang pag-ibig
Ay buhat sa puso na laman ng dibdib
Na daramahin ko maging hanggang langit.
Mag sasalo kami ng buong ligaya
Sa init ng aming pag-ibig, pagsinta
Pulot-gata itong wala maka-kapara
Kinasasabikan na aking madama.
Iibign ko siya’t aking mamahalin
At maaasahang siya ay gayon din
Hanggang sa lumubog at mag-takip-silim
Buhay na kaloob ng Diyos sa amin.
Pag natagpuan ko ang hanap kong iyan
Maging sino man si’ya’y ‘ di ko aalpasan
Pagkat ang pag-ibig ‘di lamang sa laman
Lalago’t uunlad ang pag-mamahalan
At kung lumipas na pag-ibig- simbuyo
Apoy ng damdaming kami ay nag-salo
At nalabi na ’lang ala-ala nito
Ang pag-mamahal ko’y hindi mag-babago.
At kung dumating na ang huling sandali
Bakas ng kahapon na lang ang nalabi
Di na kailangang na sa kanyang labi
“Iniibig kita” muling mamutawi.
Ngunit hanggang ngayon ako’y naghihintay’
Na sa aking buhay siya ay dumatal
Ipag-tapat niyang ako’y kanyang mahal
Ngunit hanggang ngayon, siya ay nasaan?
Composed by Jose Monzon on January 27, 2008




Comments