Ang Aking Hinagpis
- Jose Monzon
- Dec 6, 2020
- 2 min read
Updated: Jan 8, 2021
Ginawa ko Ba Ang Nararapat?
Ang Aking Hinagpis
Enero a kuwatro, dos zero zero ocho
(January 4, 2008)
Noon dinala si Daddy sa hospital ICU.
Atake sa puso ang naging dahilan
Na siya ay dalhin sa hospital na ‘yan.
Alas dose media, ika siyam ng Enero
(12:30 AM January 9,2008)
Pumikit ang mata mahal na Daddy ko.
Ako’y nagmamasid na walang nagawa
Pugto ang mata kong bumalong ang luha.
Huling nasilayan malamig na bangkay
Nitong aking Daddy sa kanyang libingan
Nitong ika kinse Enero ring buwan
(January 15, 2008)
Inihatid namin sa huling hantungan.
Ang buhay ng tao’y walang katiyakan;
Kailan mapuputol, hindi natin alam.!
Ang Poong Maykapal, tanging siya lamang
Ang makapag-sasabi kung ito’y kailan.
“Daddy, di ko akalaing ikaw ay lilisan”
Sa pag-sisikap kong ika’y alagaan.
Puyat, pagod ng katawan at isipan
Lahat ito’y binata at pinag-tiisan.
“Sapagkat, Daddy, nais kang mabuhay,
At sakit mong dala’y iyong malusutan,
Ginawa kong lahat aking nalalaman
Bilang isang nurse sa iyo’y nag-bantay.”
Sa hirap na iyong dinanas-binata
Upos ng kandila ang aking kapara.
Kahit na lumamlam ang apoy sa mitsa
Napag-tiisan ko, gumaling ka sana!.
Sa pag-hihirap mong aking nasaksihan
Itong aking puso’y nadudurog naman.
Walang magawang ikay ay ibisan
Ng paghihirap mong aking naramdaman.
Sa huling sandali nitong iyong buhay
Ayaw kong makitang nag-hihirap ikaw.
May luha ang matang ika’y binayaang
Kami ay lisanin, ika’y mamaalam.
Ibigin man naming gawin ang lahat
Upang dugtungan ang buhay mong hawak
Hindi mabayaang ika’y maghihirap
Hindi naming kayang batahin ang lahat.
Ngayong kaming lahat ay nangungulila
Sa pamamalagi na ika’y kasama
Ako’y nag-daramdan at nagtatanong pa
“Sapat ba nagawa, natulungan kita?”
At hanggang ngayon sa aking isipan
Laging sumusurot at hindi maparam
Laging naririnig ang daing mo Tatay
Hirap na hirap ka sa ‘yong karamdaman
Sa aking pag-tulog ala-ala’y ikaw
Sa pag-hihinagpis ang aking pang-laban
Ang paniniwalang tahimik na ikaw
Sa piling ni Jesus , na Poong Maykapal.
Ang hiling ko lamang, Oh Daddy kong mahal
Sa ‘king panag-inip dumalaw ka lamang,
At sabihin sanang maligaya ikaw
Masaya’t tahimik, walang dinaramdan.
At kung alam ko na ang lagay mo’y ganyan
Panatag ang puso sa gabi at araw
Mapapasa akin ang katahimikan.
“I miss you Daddy” dapat mong malaman.
Composed by Jose Monzon
Comentarios