top of page
Search

Apoy

  • Writer: Jose Monzon
    Jose Monzon
  • Dec 6, 2020
  • 1 min read

Updated: Jan 8, 2021

Sa sinag ng apoy na lubhang malamlam

Nagbuhat ang init ng abang himlayan.

Sa buong mag-damag na pagkakahimlay

Napawi ang pagod ng aking katawan.



Sinag ng lampara na aandap-andap

Sa apoy ng mitsa ito rin nag-buhat.

Sa dilim ng gabi’y nag-bigay liwanag

Sa dampang tahanang sa aki’y nag-mulat.



Ang aking damdamin apoy ang katulad.

Ang munti kong ningas kung sumalipadpad

Ay dadapo ito sa masamang gubat

At ang kadiliman ay mag-liliwanag.



Nangalit ang kidlat, ang apoy gumuhit

Sa sukal ng gubat ng ito’y magalit.

Dinapuang gubat, abo ang sinapit

At walang pinili na hindi nagdikit.



Sa pusod ng lupang aking tinubuan

May apoy rin diyang natutulog lamang.

Pag ito’y ginising ng lilo’t kasam’an

Ay bulkang sasabog ang apoy na iyan.



Ang dibdib ng isang taong makabayan

Apoy at ang giting pinanghahawakan.

‘Wag mog aapihin, huwag mong sasaktan,

Ito’y lalagablab sa pag-tatangulan.



Itong aking Bayan kapagka-inapi

Apoy mag-aalab sa pag-hihiganti.

Buhay itataya sa pakabayani

Maibangon lamang adhikang ginapi.



Ngunit bakit nga ba magpa-hanggang ngayon

Ay sinasansala ang ningas ng apoy?

Ang tama’t matuwid ay ibinabaon

Ng kabaluktutan sa isang kabaong.



Ako’y humahanga sa Apoy ng Bayan,

Apoy ang panitik na kanilang tangan,

At hinamak nila maging kamatayan

Ang laman ng diwa ma’siwalat lamang.




Ang aking habilin: Mga kabataan

Ang gawang magiting ay inyong tularan.

Ipakita ninyong mahal n’yo ang Bayan

At ipagtanggol n’yo ang katotohanan

Apoy ng panitik ang tabak n’yong tangan.

“Puksain ang mali. Ibangon ang Bayan“.



Composed by Jose S. Monzon on September 25. 2006



Inihahandog ko sa mga magigiting at makabayang nanunulat

na nag hangdog at ang iba ay sawing-palad

na nag-buwis ng kanikanilang buhay

sa pag-sisiwalat ng katotohanan

na magpahanggang ngayon ay

ibinabaon ng gawang

katiwalian.





 
 
 

コメント


bottom of page